
Bumuo ang House Committee on Ethics and Privileges ng Subcommittee on Reconciliation na tatalakay sa reklamong inihain ng mga kongresista.
Kabilang dito ang ethics complaint na inihain ng 29 na mga miyembro ng National Unity Party (NUP) laban kay Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga.
Ayon kay Barzaga, ito ang ipinabatid sa kanya ng komite na tumalakay sa reklamo laban sa kanya ngayong araw.
Sabi ni Barzaga, late siya sa hearing para sa kinakaharap niyang ethics complaint dahil napuyat daw siya kagabi sa paglalaro ng computer games.
Binanggit naman ni House Deputy Speaker at Antipolo City Representative Ronaldo “Ronnie” Puno na hindi na pinag-usapan ang basehan ng reklamo nila kay Barzaga dahil inuna ang pagbuo ng subcommittee.
Bahagi aniya ito ng effort ng House Committee on Ethics na pagkasunduin muna ang mga kongresista na may reklamo sa isa’t isa.









