Dumagdag na rin sina Isabela 6th District Representative Faustino “Inno” Dy at Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Representative Jude Acidre sa mga kongresista na dismayado sa pagbibigay ng atensyon ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kay dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agent na si Jonathan Morales na nagdadawit kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa paggamit ng iligal na droga.
Punto ni Representative Dy, napakadali namang tukuyin kung sino ang nagsasabi ng totoo at sino ang nagsisinungaling kaugnay sa PDEA leaks na inilabas ni Morales na itinatanggi ng mismong ahensya.
Paalala ni Dy, napakadaling maglabas ng pekeng dokumento gamit ang makabagong teknolohiya tulad na lamang ng deepfake video ni Pangulong Marcos Jr., na kung hindi susuriin ng mabuti ay maaaring makapanloko.
Binigyan diin naman ni Representative Acidre na mahalaga ang mga ebidensya sa halip na paniwalaan ang sabi-sabi na taliwas sa isinasaad ng electronic records ng PDEA.
Ipinagtataka rin ni Acidre kung paanong si Dela Rosa na dating hepe ng Pambansang Pulisya ay madaling napaniwala ni Morales na sinibak sa PNP at PDEA.