Mga kongresistang nais magpatuloy si Rep. Romualdez bilang House Speaker ngayong 20th Congress, nasa 293 na

Screenshot from House of Representatives/YouTube

Umaabot na ngayon sa 293 ang mga kongresistang sumusuporta kay Leyte 1st District Representative Ferdinand Martin Romualdez para maging House Speaker ngayong 20th Congress.

Kabilang sa mga huling lumagda sa manifesto of support kay Romualdez ay sina Malasakit@Bayanihan Rep. Girlie Veloso at Taguig Rep. Jorge Bocobo.

Kinumpirma rin ng tanggapan ni dating pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo na kasama itong sumusuporta kay Romualdez kaya hindi totoo ang kumakalat na impormasyon na lalaban din ito para maging house speaker.

Nakapirma rin ang anak ni Bacolod Representative Albee Benitez na si Negros Occidental Representative Javi Benitez, at ang dating campaign manager ni Vice President Sara Duterte na si Davao Occidental Representative Claude Bautista.

Kaugnay nito ay binigyang-diin ni Parañaque City Representative Brian Yamsuan ng National Unity Party, ang pagsuporta ng mayorya ng mga kongresista sa pamumuno ni Romualdez ay nagpapakita sa kakayahan nito na mapag-isa ang iba’t ibang coalitions at matiyak na magiging produktibo ang Kamara.

Giit naman ni Quezon Rep. David “Jay-Jay” Suarez ng Lakas-Christian Muslim Democrats, mahalagang magpatuloy ang pagtahak sa tamang landas at mahusay na performance ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Romualdez.

Tiwala naman si Iloilo Rep. Janette Garin ng Lakas-CMD sa kakayahan ni Romualdez para patatagin at gawing nakasentro sa serbisyo sa publiko ang Kamara.

Facebook Comments