Todo tanggi ang ilan sa mga kongresistang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa listahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) bilang mga korap na opisyal.
Kabilang dito si Occidental Mindoro Rep. Josephine Ramirez-Sato na nilinaw na hindi siya sangkot sa mga anomalya sa anumang proyekto ng gobyerno.
Habang tumanggi rin si dating Ifugao Rep. Teodoro Baguilat Jr., sa akusasyon kung saan iginiit nito na kung tumatanggap siya ng kickback noong siya ay congressman pa, ay hindi na sana siya naghihirap tumulong magbenta ng produkto ng mga Cordilleran producers.
Paliwanag naman ni Northern Samar 1st District Rep. Paul Daza, kagagawan ito ng kaaway niya sa pulitika kaya napabilang siya sa listahan ng PACC.
Umalma rin matapos mapabilang sa listahan sina; Bataan 1st District Rep. Geraldine Roman at si Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas na pawang nais linisin ang kanilang pangalan.
Kasabay nito, kwinestiyon naman ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap ang alegasyon ni PACC Commissioner Greco Belgica na sangkot siya sa korapsyon.
Dahil dito, paiimbestigahan ni Yap sa Kongreso ang isyu ng katiwalian na isinampa laban kay Belgica ng mga empleyado ng Duty Free Philippines Corporation (DFPC).
Sa ngayon, sinabi ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque na Freedom of Information (FoI) ang dahilan kaya pinangalanan ni Pangulong Duterte ang mga nasa listahan ng PACC.
May karapatan kasi aniya ang publiko at midya na malaman kung sino ang mga nasasangkot sa korapsyon, kahit wala pang mga patunay na nagkasala ang mga ito.