Mga kongresistang pumapalag sa alegasyon ni Mayor Magalong kaugnay sa maanumalyang flood control projects, nadagdagan pa

Bukod kay Leyte Representative Richard Gomez ay nadagdagan pa ang mga kongresista na pumapalag sa pagsasangkot ni Baguio City Mayor Benjamin “Benjie” Magalong sa mga mambabatas sa maanumalyang mga flood control projects gayundin sa pahayag nito na moro-moro lang ang imbestigasyon ng Kamara ukol sa usapin.

Umaasa si Manila 6th district Rep. Bienvenido “Benny” Abante, na hihingi ng paumanhin at babawiin ni Magalong ang mga pahayag nito na insulto sa buong Kongreso dahil mali na palabasin nitong tila lahat ng mga kongresista ay may kaugnayan sa sablay at iregular na mga poyektong tugon sa pagbaha.

Panawagan naman ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V kay Magalong, maglabas ng pangalan, mga detalye at dokumento si Magalong at huwag sirain ang Kamara bilang institusyon gayundin ang reputasyon ng mga inosenteng kongresista na nagtatrabaho nang tapat at nagsusulong ng transparency, accountability, at serbisyo sa mamamayang Pilipino.

Giit naman ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, mas mainam kung papangalanan ni Magalong ang mga inaakusahan niyang kongresista upang hindi madamay lahat ng mahigit 300 miyembro ng Mababang Kapulungan.

Mariin namang kinontra ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang sinabi ni Magalong na moro-moro o palabas lang ang imbestigasyon ng Kamara ukol sa isyu ng flood control programs.

Paliwanag ni Ridon kay Magalong, bahagi ng oversight powers ng Kamara ang pagsilip sa mga flood control peojects at iba pang mga usapin.

Facebook Comments