Patuloy na umaani ng batikos mula sa mga kongresista ang biro ni Vice President Sara Duterte na itinalaga niya ang kanyang sarili bilang ‘designated survivor’ kaakibat ng desisyon na hindi siya dadalo sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Si Deputy Speaker at Quezon Representative David “Jay-jay” Suarez, nangangamba sa posibleng negatibong epekto ng naturang pahayag ng ikalawang pangulo na aniya’y nagpapakita ng kakulangan ng maturity na dapat ay taglay niya bilang isang mataas na opisyal ng gobyerno.
Para kay Suarez, ang sinabi ni VP Sara ay nagpapalakas sa lumalaking hinala na ang kaniyang pagpapakita ng pakikiisa kay Pangulong Marcos Jr. noon ay pakitang-tao lamang.
Bukod sa pangamba ay naniniwala si House Majority Leader at Zamboanga City Representative Manuel Jose “Mannix” Dalipe na maaring magkaroon ng negatibong kay VP Sara ang kanyang pahayag dahil base sa konstitusyon ay wala syang appointing power at wala ring basehan ang pagiging designated survivor niya.
Giit naman ni Anakalusugan Representatives Ray Reyes, walang puwang sa Bagong Pilipinas ang toxic politics gayundin ang masasamang biro at ang dapat na prayoridad ng ating mga lider ay ang pagpapa-unlad sa bansa.