Pinalilimitahan na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang bilang ng mga produktong pwedeng bilhin ng mga consumer.
Sa inilabas na memorandum circular, layunin nitong maiwasan ang hoarding at panic buying sa gitna ng ipinapatupad na Luzon-Wide Community Quarantine at Nationwide State of Calamity dahil sa COVID-19.
Ayon kay DTI Under Secretary Ruth Castelo, hindi aniya maaring magpatuloy ang ganitong consumer behavior dahil magdudulot lamang ito ng takot, at mahahadlangan ang iba pang mamimili sa pagbili ng mga kakailanganin nila.
Posible ring mauwi ito sa artificial shortage na magreresulta ng pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Kung magpatuloy pa ang problema, pwedeng irekomenda ng National Price Coordinating Council (NPCC) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang price ceiling sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa loob ng anim na buwan.
Ang mga produktong papatawan ng quantity limit kada transaction ay ang mga sumusunod: alcohol; hand sanitizer; disinfecting liquids; bath soap; toilet paper; face mask; instant noodles; canned sardines; canned regular milk; powdered milk na nasa sachet; instant coffee na nasa sachet; mineral water; at ang loaf bread.
Ang sinumang hindi susunod ay paparusahan dahil sa paglabag ng anti-hoarding and panic buying circular na may multa mula 5,000 pesos hanggang dalawang milyong piso at pagkakakulong na hindi bababa sa limang taon at hindi lalagpas sa 15 taon.