Manila, Philippines – Dapat maging bukas sa publiko ang lahat ng kontrata ukol sa pangungutang ng gobyerno sa China at iba pang bansa para sa mga proyekto na nasa ilalim ng Build Build Build Program.
Ito ang iginiit ni Committee on Economic Affairs Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa National Economic and Development Authority (NEDA) at sa Department of Finance (DOF).
Pinuna pa ni Gatchalian ang kawalan ng kopya ng mga kontrata sa website ng NEDA na siyang secretariat ng Investment Coordinating Council (ICC) na nag-aaprub sa malalaking infrastructure projects.
75 lahat ang proyekto sa ilalim ng Build Build Build Program ng Duterte administration na ang mga pondo ay magmumula sa Japan, China at South Korea.
Lumabas sa pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na 28 lang sa mga ito ang matatapos hanggang sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa taong 2022.
Sa pagdingi ay sinabi ni NEDA Assistant Secretary Jonathan Uy na siyam sa mga ito ay kasalukuyan ng isinasagawa kung saan ang dalawa ay malapit ng matapos.