Mga kontratista at DPWH officials na dawit sa maanomalyang flood control projects, ipinasasama na ng Senado sa watchlist

Humiling na ang Senate Blue Ribbon Committee sa Department of Justice (DOJ) na isyuhan na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang mga contractors at DPWH officials na sabit sa maanomalyang flood control projects.

Nasa 33 ang listahan ng mga pangalan ng mga kontratista at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na hiniling ni Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na isama sa watchlist at ipagbigay alam agad sa komite kapag nagtangkang tumakas ng bansa.

Kabilang sa mga nasa listahan sina DPWH Usec. Maria Catalina Cabral, dating District Engineer ng 1st District Engineering Office ng Bulacan na si Henry Alcantra at ang dating Asst. District Engineer nito na si Brice Hernandez.

Kasama rin sa listahan ang kontrobersyal na contractor na si Sarah Discaya ng Alpha and Omega, Ma. Roma Angeline Discaya-Rimando ng St. Timothy Construction, Mark Allan Arevalo ng Wawao Builders at ang hindi pa nagpapakitang si Edgar Acosta ng Hi-Tone Construction.

Samantala, inisyuhan na ng show cause order ang contractor na si Acosta para pagpaliwanagin kung bakit hindi dapat ma-contempt matapos na bigong makadalo sa dalawang pagdinig ng Blue Ribbon Committee.

Nagpadala si Acosta ng kinatawan sa pagdinig noong Lunes dala ang isang medical certificate na hindi pa siya pwedeng makadalo sa imbestigasyon.

Facebook Comments