
Kinalampag ni Senator Mark Villar ang mga kaukulang ahensya na kasuhan at papanagutin ang mga kontratista na nameke ng geotagging o paglalagay ng marka sa mga larawan ng infrastructure projects para makasingil ng bayad sa gobyerno.
Sa geotagging ay nakasulat sa litrato ang lokasyon at petsa ng proyekto na layong matiyak na ang proyekto ay tunay na ginawa.
Binigyang diin ni Sen. Mark na kung may contractor na nameke ng isinumiteng geotagging ay malinaw na fraud o panloloko sa sistema at dapat lamang silang sampahan ng kaso.
Dapat aniyang maimbestigahan itong mabuti dahil ang pamemeke ng geotagging ay malinaw na pangaabuso sa tiwala ng taumbayan.
Sinabi pa ni Villar na noong siya ang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay ipinag-utos niya ang paggamit ng geotagging para sa transparency at accountability ng mga ongoing na ipinagagawang proyekto.









