Mga korapsyon sa loob ng gobyerno kabilang na ang mga umano’y anomalya sa DPWH, pina-iimbestigahan ni Pangulong Duterte; DOJ, pangungunahan ang binuong Inter-Agency Task Force

Kasunod ng kaliwa’t – kanang korapsyon sa gobyerno, pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang saklaw ng imbestigasyon ng Inter-Agency Task Force na kaniyang binuo para silipin ang lahat korapsyon sa loob ng pamahalaan.

Sa kaniyang taped address na inere kaninang umaga, ipinag-utos ni Pangulong Duterte kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na pangunahan ang Inter-Agency Task Force upang imbestigahan ang lahat iregularidad at alegasyon sa loob ng gobyerno.

Ayon sa Pangulo, maaaring gumawa ng maraming panel o investigating bodies ang DOJ kung saan epektibo ito hanggang sa bumaba siya sa pwesto sa June 30, 2022.


Banta ng Pangulo na maraming opisyal ng pamahalaan ang masisibak sa pwesto lalo na’t tututukan niya sa mga nalalabing araw sa kanyang termino bilang pangulo ang lumalalang korapsyon sa pamahalaan.

Kasabay nito, ipinag-utos ni Duterte sa task force na unang imbestigahan ang umano’y talamak na korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Idiniin ng Pangulo na ang puntirya niya ay ang ilang tauhan ng ahensiya at hindi si DPWH Secretary Mark Villar.

Batay sa 2019 report ng Commission on Audit sa DPWH, lumalabas na talamak ang overpricing sa mga proyekto ng kagawaran kung saan pinababalik ang higit P431 milyon na patong ng mga contractor.

Facebook Comments