Ipinag-utos ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo na isara ang operasyon ng mga korte sa National Capital Region o NCR mula bukas Setyembre 8.
Sa OCA Circular 119 – 2021 na pirmado ni Court Administrator Atty. Jose Midas Marquez, mananatiling suspendido ang mga nasabing korte hanggang Setyembre 30.
Hindi kasali sa sinuspending operasyon ang Korte Suprema.
Ang kautusan ng punong mahistrado ay bunsod nang pagsasailalim sa COVID-19 Alert Level 4 sa Metro Manila, maliban sa Lungsod ng Maynila, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ipinag-utos din ni Gesmundo na ituloy ang pagdinig sa mga kaso sa pamamagitan ng online at video conferencing upang hindi mabalam ang proseso at mga kaso.
Magpapatuloy ang operasyon ng mga korte sa NCR, pitong araw, matapos ang pisikal na reopening ng mga ito.