Mga kristyanong kinatawan sa Bangsamoro Transition Authority, hindi totoong aalisin

Binigyang-diin ni Senator Francis Tolentino na fake news at hindi totoo ang kumakalat na text messages na sa ginagawang panukalang batas ng Senado ay aalisin ang mga Kristiyanong kinatawan sa Bangsamoro Transition Authority (BTA).

Ayon kay Tolentino, walang ganitong nakapaloob sa panukala sa Senado na pagpapaliban ng tatlong taon sa Bangsamoro Elections sa 2025 sa halip na sa 2022.

Bukod kay Tolentino ay tiniyak din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na hindi nila ito itutulak sa Senado at wala silang papalitan sa Bangsamoro Organic Law.


Dahil dito ay inirekomenda ni Zubiri na para maging mas malinaw ay gawing simple ang nilalaman ng panukalang batas at tanging ilagay na lang ay ang pagpapaliban ng eleksyon.

Paliwanag ni Zubiri, mas mainam na gawing isang pahinang dokumento ang panukala at isentro na agad sa amyenda sa Sec. 13, Article 16 ng Republic Act 11054.

Naniniwala si Zubiri na sa ganitong paraan ay mas madaling maidedepensa at maipapasa ang panukala na plano nilang pagpasyahan sa Lunes.

Facebook Comments