Manila, Philippines – Pinayuhan nalang ni Chief Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo ang mga kritiko ng Pamahalaan na basahin muna ang transcript ng kanyang mga sinabi bago magkomento ang mga ito.
Ito ang sinabi ni Panelo matapos batikusin sa kanyang naging pahayag kaugnay sa pagtatayo ng China ng isang Maritime Rescue Center sa pinagaagawang isla sa South China sea kung saan ay sinabi nito na nagpapasalamat siya sa ginawa ng China pero dapat sumunod ang mga ito sa mga kondisyon.
Matatandaan kasi na sinabi ni Senator Francis Pangilinan na ang pahayag ni Panelo ay hayagan na pamimigay na ng soberenya ng Pilipina sa China.
Ayon kay Panelo, ang mga kondisyon ay dapat nagpaalam ang China sa Pilipinas, at dapat ay gawin ang tunay na pakay ng rescue center.
Binigyang diin ni Panelo na dapat ay binabasa ng mga kritiko ng administrasyon ang media interview bago magsalita o bumanat.
Sinabi din ni Panelo na pinapavalidate na ng Malacañang sa Department of Foreign Affairs ang usapin pero wala parin aniyang sagot ang DFA.