Malaya ang mga kritiko ng Anti-Terrorism Law na kwestyunin ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas sa Korte Suprema.
Ito ang pahayag ng Malacañang matapos punahin ng National Union of People’s Lawyers at Bayan Muna party-list ang IRR ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Nakasaad sa IRR na maaaring isapubliko ng pamahalaan ang mga taong matutukoy na terorista bago sila bigyan ng oportunidad na maka-apela.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, mayroong Anti-Terrorism Council na magpapasya at nakabase dapat ito sa legal at tunay na basehan.
“In any case, as I said earlier, kung sa tingin po nila this is a violation of any right, they’re welcome to seek relief po sa ating Korte Suprema,” sabi ni Roque.
Sa ilalim ng IRR, ilalathala sa Official Gazette ang listahan ng matutukoy na indibidwal o grupo kung saan nilalaman nito ang brief description ng kaso, petsa ng designation o petsa ng huling review ng designation.
Ang grounds para matanggal sa listahan ay mistaken identity, mayroong change of facts o circumstance, bagong nadiskubreng ebidensya, pagkamatay ng nasabing designated person, dissolution o liquidation ng designated organizations, associations o grupo.
Sa ngayon, nasa 37 petisyon ang nakahain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng batas.