Tiniyak ng Malacañang na ang bawat mamamayan na kritikal sa pamahalaan ay protektado ng batas sa ilalim ng Bill of Rights ng Konstitusyon.
Ito ang nilinaw ng Palasyo matapos ilabas ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang pangalan ng mga indibidwal na idineklarang terorista kabilang si Communist Party of the Philippines (CPP) leader Jose Maria Sison.
Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ginagarantiya ng Bill of Rights ang kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagkakaroon ng due process.
Iginiit ni Roque na ang depinisyon ng salitang ‘terorismo’ ay hindi nagmula sa Pilipinas pero binuo ito at isinama sa United Nations Security Council Resolution na legally binding sa lahat ng mga miyembro nito.
Sa depinisyon nito, ito ay ang mga taong nagdudulot ng takot at pangamba sa publiko o sa pamamagitan ng marahas na paraan.
Sa kabila ng demokrasya at pagkakaroon ng party-list system sa bansa, sinabi ni Roque na ang pamahalaan na mayroon pa ring nagpapatuloy sa paggamit ng armas para makamit ang mga layunin nito.
Matatandaang inanunsyo ng ATC na si Sison at 18 iba pang personalidad ay mga ‘terorista.’