Tiniyak ng Department of Science and Technology (DOST) na ang mga indibidwal na isasalang sa vaccine trials ay hindi sasadyaing i-expose sa COVID-19.
Ayon kay DOST Philippine Council for Health Research Development Executive Director Dr. Jaime Montoya, walang ethics review board ang magpapahintulot nito.
Aniya, paglabag ito sa karapatan ng tao kahit na pumayag pa.
Sinabi ni Montoya, ang mga bakuna ay susubukan sa mga test subjects na nasa mga lugar na mayroong high risk ng COVID-19 transmission.
Sinabi naman ni Philippine Foundation for Vaccination Executive Director Dr. Lulu Bravo, ang pag-e-expose ng isang subject sa isang infection ay ginagawa lamang sa mga hayop sa loob ng pre-clinical trials.
Aniya, hindi aaprubahan ng Ethics Review Committee na bigyan ang tao ng sakit lalo na at wala pang gamot sa COVID-19.
Para sa COVID-19 vaccine clinical trials, mayroong mga grupo na ipaprayoridad tulad ng healthcare workers, frontliners at contacts ng confirmed case.