Tuloy ang kampanya ng binuong task force sa paghuhuli kung saan noong nakaraang linggo umaabot sa kabuuang 130 ‘kuligligs’ o improvised tractor trikes na bumibiyahe sa EDSA-Balintawak Area ang pinagkukumpiska ng Quezon City (QC) Government bilang bahagi ng kampanya laban sa colorum vehicles.
Noong Nobyembre pa ng nakalipas na taon binigyan ng warning ng QC Task Force for Transport and Traffic Management ang mga kuliglig pero hindi umano tumigil sa kanilang operasyon.
Ayon kay Ben Ibon, head ng tricycle regulatory division pinagbigyan lamang sila ng city government noon dahil magpapasko, pero hindi na raw puwedeng idahilan ngayon na wala silang pagkakakitaan.
Dagdag pa ni Ibon, maraming support programs para sa kanila ang maaari nilang pagkakakitaan tulad ng Livelihood Assistance na pamalit sa ilegal na operasyon ng kuliglig.
Lahat ng mga nahuling drivers ay maaari ding makapag-avail ng Balik Probinsya Program (BPP) na papayagan silang mabawi ang mga kinumpiskang sidecars at gamitin sa kanilang kabuhayan sa kani-kanilang lalawigan.
Maaari din nilang isuko sa pamahalaang lungsod ang kanilang sidecars kapalit ng ₱5,000 cash aid at alternative livelihood assistance o di kaya ay pag-apply ng E-Trike Program sa City Hall.
Giit ni Ibon, bukod dito may alok pa ang City Government ng Livelihood Assistance para sa kanilang asawa at scholarships para sa mga anak ng mga kuliglig drivers.
Mahigpit, aniya na ipinagbabawal ang mga kuliglig sa mga National Highways at pangunahing lansangan tulad ng mga regular na tricycles at pedicabs.