Divisoria – Muling ikinasa ng Manila Traffic & Parking Bureau o MTPB ang operasyon laban sa mga pedicab, kuliglig at traysikel na iligal na pumapasada sa kahabaan ng Recto sa Divisoria.
Ayon kay MTPB Chief of Operation Dennis Ibona, mula alas-sais ng gabi hanggang alas-sais ng umaga lamang pinapayagan na makabiyahe ang mga kuliglig sa Divisoria para pang-deliver ng mga produkto habang ang mga pedicab at traysikel ay sa secondary road lamang.
Paliwanag ni Ibona, pasado alas-otso na ng umaga kanina, sangkatutak pa rin na mga pedicab, kuliglig at traysikel ang pumapasada sa Divisoria kaya pinagkukumpiska na ang mga ito ng MTPB.
Umabot sa 80 pedicab, traysikel, at kuliglig ang nakumpiska.
May ilang mga driver na nagpakita pa ng orange sticker para hindi raw mahuli na binabayaran umano ng 50-60 pesos.
Pero giit ng MTPB, walang iniisyung orange sticker ang Manila Tricycle Regulatory Office.
Ang operasyon ng MTPB ay para na rin paghandaan ang pagdagsa ng mga mamimili sa Divisoria ngayong Ber Months
Umalma naman ang mga naapektuhang driver kung saan kakaunti na umano ang kanilang kinikita sa pamamasada.
Nakiusap naman ang MTPB na makipagtulungan sa kanila ang mga mamamayan para mapaluwag ang trapiko sa lungsod ng Maynila.