Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang mga litratong kumakalat sa social media kung saan ang lugar na mayroong dolomite ‘white sand’ na bahagi ng beach project sa Manila Bay na tila tinatangay na ng alon ay ‘under construction’ pa lamang.
Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, hindi inaanod ang mga buhangin.
Aniya, lalagyan ang lugar ng storm drain kung saan dadaan ang mga tubig kapag umulan palabas ng Manila Bay.
Dagdag pa ni Antiporda, makikita ang black sand na nakapaligid sa dolomite sand.
“‘Yun po namang sa front, sloping ‘yan. Talagang ang white sand natin is a topping. Hindi sa sloping ‘yan pababa ng dagat. Yung nakikita nilang medyo may grayish sa harap, ‘yan naman po, ‘yung mantsa galing din po sa dagat. Kasi alam naman natin meron pa ring mga silt, may mga burak pa rin, may mga dumi pa rin yung dagat na umaakyat po dito sa ating beachfront,” dagdag ni Antiporda.
Muling nagbabala ang DENR na hahabulin ang contractor sakaling mabigo itong isagawa ang proyekto.
Ang kontrobersyal na dolomite beach ay bahagi ng ₱389-million Manila Bay “beach nourishment” project.