
Itutulak ni Senator Sherwin Gatchalian na ipagbawal ang mga kumpanyang dating pag-aari ng mga politiko na lumahok sa mga government infrastructure initiatives katulad na lamang ng mga flood control projects.
May mga lumutang na ulat na kung saan ang mga politiko mismo ang umaaktong contractor para sa infrastructure projects na pinondohan ng gobyerno at ikinabahala rito ang pagkakaroon ng “conflict of interest” at patuloy na katiwalian sa national budget process.
Maghahain si Gatchalian ng panukalang batas para ipagbawal ang mga dating kumpanya ng mga politiko na sumali sa mga kontrata ng gobyerno at inaasahang magiging daan para sa reporma at paglaban sa katiwalian.
Tinukoy ng senador na ang pag-divest o paglipat ng mga politiko ng kanilang mga ari-arian at negosyo ay isa lamang “convenient excuse” para patuloy na makasali sa mga government projects.
Batid ng mambabatas na malaking hamon ito dahil sa 9,000 na proyekto ay puro flood control projects lang at hindi pa kasama rito ang mga kalsada, highways at iba pang imprastraktura.









