Thursday, January 22, 2026

Mga kumpanyang bigong magbigay agad ng final pay at COE, mahaharap sa reklamo —DOLE

Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa employers na dapat mailabas agad ang final pay at Certificate of Employment (COE) sa mga empleyadong nag-resign.

Ayon sa DOLE, lumabas kasi na pinakamaraming reklamo tungkol dito noong 2025 kung saan umabot sa 23,496 ang kanilang natanggap na katanungan tungkol dito sa DOLE Hotline 1349.

Sabi ng Labor Department, dapat maibigay agad sa employee sa loob ng 30 araw mula nang umalis ng kumpanya ang kanilang final pay.

Habang tatlong araw lamang ang dapat hintayin para naman sa pagre-request ng COE.

Kabilang sa tinatawag na final pay ang lahat ng sahod, pro-rated 13th month pay, separation o retirement pay, cash para sa hindi nagamit na leave, tax refunds, at iba pang benepisyo.

Ibinabala naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na mahaharap sa reklamo at multa ang sinumang mapatunayang lalabag sa batas.

Hinimok din ng Labor Department ang mga manggagawa na makipag-ugnayan sa kanila sakaling hindi pa natatanggap ang mga ganito sa itinakdang panahon.

Facebook Comments