Hindi kailangang ipasara agad ang mga kumpanyang lumabag sa health at safety protocols na itinakda ng gobyerno para mapigilan nag pagkalat ng COVID-19.
Nabatid na isa sa tinitingnan kung bakit kumakalat ang COVID-19 ay dahil sa workplace transmission.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Assistant Secretary Tes Cucueco, dapat bigyan ng panahon ang mga kumpanya na makapag-comply.
Kung lubos na hindi sumusunod ang mga kumpanya sa health standards para sa kanilang mga manggagawa kahit ipinag-utos na ng DOLE na ayusin ito, ay dito na ipapatupad ang suspensyon.
Sinegundahan ito ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo.
Sinabi ni Castelo, nais pa rin nila na umuusad ang mga negosyo sa panahong ito at tanging magagawa nila ay atasan ang mga kumpanya na sumunod agad sa mga patakaran.
Aniya, binibigyan ng 90-araw ang mga kumpanya para itama ang kanilang violation.
Ang DOLE ay muling mag-iinspeksyon para alamin kung nakasunod na ang mga kumpanya sa safety at health guidelines.
Mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon, nasa 3,888 establishments sakop ang 265,752 na manggagawa sa buong bansa ang ininspeksyon ng DOLE at DTI – 82.82% ang compliant sa health at safety guidelines.