Manila, Philippines – Pinamamadali ni Ako Bicol PL Rep. Rodel Batocabe na talakayin sa Mababang Kapulungan ang panukala para sa transparency at accountability ng mga pre-need companies.
Ang mga pre-need companies’ ay ang mga kumpanyang nagaalok ng education, life, interment at pension plans.
Sa House Resolution 00039 na inihain ni Batocabe, ay agad na pinapatalakay ng kongresista kung saan napupunta ang perang ini-invest ng mga plan holders.
Dapat aniyang malaman ang business models, financial statements at kung papaano napapatakbo ang pera ng mga plan holders.
Layunin din ng panukala na matiyak na mapoprotektahan ang karapatan ng mga policyholders at ang stability ng financial security sa mga ganitong kumpanya.
Nais din ng mambabatas na lagyan ng ngipin ang batas patungkol dito upang maparusahan ang mga officers at stockholders ng mga pre-need companies na nagpabaya sa pera ng mga investors.
Tinukoy pa ni Batocabe na kadalasang ang dahilan ng pag-collapse ng mga pre-need companies ay ang kawalan ng regulatory benchmark na mamamahala at magbabantay sa operasyon ng mga ini-invest sa mga plans.