Pinayuhan ni National Task Force on COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez Jr. ang mga Local Government Units (LGUs) at pribadong kumpanya na pumasok sa Tripartite agreements ng gobyerno para sa pagkuha ng mga bakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Galvez, dapat sumunod ang mga ito sa itinakdang pamantayan ng pamahalaan kaugnay sa pagkakaroon ng cold storage at hindi sariling nais na refrigeration measures.
Hindi rin aniya pwedeng maging basta-basta ang mga cold storage facility dahil kailangan nitong maging intact para maiwasan ang pagkasira ng mga bakuna.
Matatandaang binisita ng Inter-Agency Task Force (IATF) at NTF ang tatlong cold storage facilities na ikinokonsidera ng gobyerno na ilagay ang milyu-milyong doses ng COVID-19 vaccines na darating sa Pebrero.
Kabilang sa mga pinuntahan ni Galvez at Health Secretary Francisco Duque III ang Zuellig Pharma warehouse sa Parañaque City, Unilab Pharma Campus warehouse sa Biñan City, Laguna at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa City.