Mga kumukonsumo ng hanggang 135 kwh kada buwan sa kuryente, ipinalilibre sa bayarin

Ipinalilibre sa bayarin sa kuryente ng isang neophyte senator ang mga Pilipinong kumukunsumo ng kuryente na hindi lalagpas sa 135 kwh.

Sa panukalang batas na inihain ni Senator Rodante Marcoleta, pinaaamyendahan nito ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) para mapalawak pa ang implementasyon ng lifeline rate at mabigyang kaginhawaan ang mga low-income household na nahihirapan sa napakataas na singil sa kuryente sa bansa.

Sa unnumbered bill ng senador, mula sa dating 100 kwh ay itataas ang limit sa hindi hihigit sa 135 kwh na malilibre sa bayarin sa kuryente o isasailalim sa full subsidy ng gobyerno.

Gayunman, sa kasalukuyan ay mayroong discount bracket na ipinatutupad ang Meralco kung saan ang 100% na libre sa kuryente ay para sa mga kumukunsumo lamang ng hanggang 20 kwh o katumbas ng P300 na bayarin sa electricity bill kada buwan.

Katumbas lamang ito para sa pagpapailaw ng isang bumbilya, electric fan, at maliit na radyo.

Iginiit ng senador na ang kasalukuyang lifeline rate ay napakababa at hindi nagre-reflect sa reyalidad na hinaharap ng mga mahihirap na household.

Facebook Comments