Manila, Philippines – Inaasahang makakatipid sa bill sa kuryente ang mga consumers matapos na aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang ‘Murang Kuryente Bill’.
Sa botong 171 Yes at 1 No ay aprubado na sa huling pagbasa ang House Bill 8869 na layong gamitin ang P123 Billion share ng pamahalaan sa Malampaya fund para mabayaran ang utang ng National Power Corporation (NPC).
Sa kasalukuyan, ang utang ng NPC ay ipinapasa sa electric bill ng mga consumers sa ilalim ng universal charge.
Ayon kay 1-CARE Partylist Rep. Carlos Roman Uybarreta, magkakaroon ng bawas na 57 centavos sa bawat kilowatt-hour ng electricity bill o nasa P115 hanggang P120 ang matitipid ng mga kumukunsumo ng 200 Kwh kada buwan.
Partikular na isusubsidiya ng gobyerno ang contract costs, stranded debts, missionary electrification, environmental charges at feed-in-tariff allowance ng NAPOCOR.