Nakahimlay na sa Villamor Airbase sa Pasay City ang mga labi ng dalawang pilotong nasawi sa pagbagsak ng isang aircraft ng Philippine Air Force sa Pilar, Bataan kahapon.
Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, kahapon din ay agad na nasabihan ang mga pamilya nina Captain Jhon Paulo Aviso at Captain Ian Gerru Pasinos hinggil sa aksidente.
Umuwi pa mula sa Zamboanga ang pamilya ng isa sa mga nasawing piloto.
Tiniyak naman ni Castillo na tinitingnang mabuti ng PAF ang lahat ng posibleng anggulo sa pagbagsak ng SF 260.
Maayos aniyang nai-secure ng mga imbestigador ang crash site para maisalba ang mga bagay na makapagsasabi sa kondisyon ng eroplano bago ito bumagsak.
Nabatid na nagsasagawa ng standard training flight ang dalawang piloto nang mangyari ang aksidente.