Mga labi ng lalaking 22 taon nang nawawala, natagpuan dahil sa Google Earth

Google Earth

Sa tulong ng Google Earth, naresolba ang kaso ng isang lalaking tila misteryosong naglaho sa Florida lagpas dalawang dekada na ang nakalipas.

Napaulat na nawawala sa Lantana, Florida ang biktimang si William Moldt noong Nobyembre 7, 1997.

Noong gabi ng insidente, galing sa bar at nakatawag pa sa kanyang kasintahan ang biktima para ipaalam na pauwi na siya.


Ayon sa ulat, hindi gaanong lasing si Moldt nang makitang lumabas sa bar at sumakay sa kotse nang mag-isa.

Mula noon ay hindi na siya nakita.

Hanggang sa nito lamang Agosto 28, makalipas ang 22 taon, nakatanggap ang pulisya ng ulat na may namataang kotse sa lawa sa Moon Bay Circle, Wellington.

Nang maiahon ang sasakyan, nadiskubre ang mga labi na makalipas ang isang linggo ay kinumpirmang kay Moldt.

Ayon sa awtoridad, dating residente sa Wellington ang nakapansin ng kotse habang tumitingin sa Google Earth.

Ipinagbigay alam ng taong iyon sa isang kasalukuyang residente sa lugar ang kanyang nakita.

Gamit ang sariling drone, nakumpirma ng residente na mayroong kotse sa lawa at saka ibinalita sa pulisya.

Sa ulat ng Charley Project, online database ng mga cold case sa US, noong 2007 pa nakikita ang kotse sa Google Earth satellite photo ng lugar, ngunit ngayon lamang may nakapansin.

Sinabi naman ng Palm Beach County Sheriff’s Office na sa inisyal na imbestigasyon ng pagkawala ni Moldt, walang nakitang ebidensya na nahulog ang sasakyan ng biktima, hanggang sa nito lamang nang magkaroon ng pagbabago sa tubig.

“You can’t determine what happened that many years ago, what transpired. All we know is that he went missing off the face of the Earth, and now he’s been discovered,” ani tagapagsalita ng PBSO sa BBC.

Facebook Comments