Manila, Philippines – Pinaplano ng liderato ng Kamara na dalhin sa Batasang Pambansa ang mga labi ng pinaslang na kongresista na si Ako Bicol Representative Rodel Batocabe.
Batay sa inilabas na pahayag ng tanggapan ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, inaasikaso na nila ang ‘special arrangement’ para sa paghahatid kay Batocabe sa Kamara.
Sa kabila nito ay may nauna ng memorial service sa mababang kapulungan na nakatakdang gawin sa January 14, 2019 para kay Batocabe.
Ihahatid naman ito sa huling hantungan sa December 31, 2018 sa kanilang lugar sa Daraga, Albay.
Samantala, nagpasalamat naman ang anak ni Batocabe na si Kiel Batocabe sa lahat ng mga taga-suporta at nakiramay sa kanilang pamilya.
Aminado ang anak ng napaslang na mambabatas na mahirap na panahon para sa kanila ito lalo at magpa-Pasko.
Nananatiling nakalagak ang mga labi ni Batocabe sa Arcilla Hall ng Bicol University sa Daraga, Albay at binuksan ito sa publiko simula pa kahapon.
Bago mapaslang si Batocabe ay nasa huling termino na ito bilang kinatawan ng Ako Bicol partylist at tumatakbong alkalde ng Daraga, Albay sa 2019.
Naging vice chairman din ito ng house committee on dangerous drugs, good government and public accountability at natural resources sa Kamara.