Mga labor groups, nakahanda na sa ikakasang Labor Day protest bukas; umento sa sahod at security of tenure, ipapanawagan nila sa gobyerno

Sasalubungin ng kilos-protesta ang pagdiriwang ng Labor Day bukas, May 1.

Kabilang sa lalahok na group ay ang Kilusang Mayo Uno, Trade Union Congress of the Philippines, Nagkaisa Labor Coalition, Bukluran ng Manggagawang Pilipino at iba pa.

Sa interview ng RMN Manila kay Kilusang Mayo Uno Secretary General Jerome Adonis, patuloy na ipapanawagan ang mas mataas na sahod sa kabila na rin ng mataas na presyo ng mga bilihin at ang pagresolba sa security of tenure.


Kabilang sa kanilang isinusulong ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino na matamasa ang living wage na 1,100 pesos kada araw o ang 750 pesos na across-the-board wage increase sa buong bansa.

Bilang pagkonsidera sa mga maliliit na negosyo, inirekomenda rin ni Adonis na akuin ng gobyerno ang gastusin ng mga ito sa dagdag sahod.

Kukunin naman ito sa pamamagitan ng pag-realign ng ilang bahagi ng pambansang pondo tulad na lamang sa confidential fund nina Pangulong Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte-Carpio.

Magtitipon ang iba’t-ibang labor groups sa España, Maynila bukas alas siyete umaga at magmamartsa papuntang Mendiola kung saan magsasagawa ng programa dakong alas nuebe y media ng umaga.

Tiniyak naman ni Adonis na magiging maayos ang kanilang kilos-protesta dahil nakipag-ugnayan sila sa Manila Police District upang hindi sila harangin.

Facebook Comments