Mga lalabag sa health at quarantine protocols, aarestuhin na sa Parañaque City

Ipinag-utos na ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez sa mga pulis at sa 16 barangay chairman na higpitan pa ang ipinapatupad na health at quarantine protocols sa buong lungsod.

Ito’y dahil sa patuloy na pagtaas ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Parañaque kung saan umaabot na sa 1,851 ang bilang nito.

Aabot naman sa 780 ang active cases, 71 ang nasawi at nasa 1,000 ang nakarekober sa COVID-19.


Ayon sa alkalde, nagpasa na ng ordinansa ang City Council kung saan pagmumultahin ang mga residente na lalabag sa quarantine protocols.

Nasa ₱1,000 ang multa at anim na oras na detention sa first offense; ₱2,000 at siyam na oras na detention sa second offense habang ₱3,000 na multa at siyam na oras na pagkabilanggo sa third offense.

Inatasan din ni Olivarez si City Police Chief Col. Robin King Sarmiento na kasuhan ang mga pabayang magulang ng mga kabataan na kanilang mahuhuling lumabas nang walang suot na face masks at lumalabas tuwing curfew hours.

Nabatid na nadismaya si Olivarez sa patuloy na pagtaas ng bilang kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan mas lalo dumami ang pasaway na mga residente ngayong nasa General Community Quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Facebook Comments