Muling pinaalalahanan ni MPD Special Mayor’s Reaction Team o Mpd-SMaRT Chief Police Major Rosalino Ibay Jr. ang mga residente ng Tondo District-1 na wala ng “second chance” kung sila ay mahuhuling lalabag sa ipinapatupad na 48-hour lockdown.
Ayon kay Ibay, ang mga maaarestong pasaway ay agad isasalang sa booking, mugshot, medical at inquest proceedings kung saan mananatili sila sa walong barangay covered court na itinalagang holding area na matatagpuan sa Barangay 116, 151, 105, 28, 32, 37, 55 at 96.
Habang ang Plaza Morga ang magsisilbing Command Center sa 48-hour lockdown.
Nasa 350 ang ipinakalat na pulis katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Joint Task Force-NCR at makakatulong din nila sa pagbabantay ang ilang kawani ng Manila City Hall sa hard lockdown.
Sinabi naman ni MPD Director Police Brigadier General Rolando Miranda na mahigpit niyang bilin sa kaniyang mga tauhan na pairalin ang maximum tolerance kung saan bawat isang pulis ay binigyan ng batuta at taser.
Umaasa naman si Miranda na susunod ang mga residente ng Tondo District-1 sa ipinapatupad na lockdown at ayaw din niyang dumating sa punto na magkasakitan ang mga pulis at ang mga lalabag sa kautusan ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila.