Wala munang mangyayaring pag-aresto sa mga indibidwal na lalabag sa health safety protocols ngayong umiiral na ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region (NCR) at mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Archie Gamboa, tatlong araw ang kanilang palugit para bigyan muna ng warning ang mga lalabag sa umiiral na MECQ.
Mahigpit na utos ni PNP Chief sa mga pulis na palaging pairalin ang maximum tolerance o mahabang pasensya para sa mga nagrereklamong indibidwal lalo na kapag babae at matatanda na kinakailangang lumabas kahit MECQ.
Hiling din ni Gamboa sa publiko, huwag i provoke ang mga pulis dahil maaaring kasuhan ng disobedience at paglabag sa health protocols.
Sa muling pagpapatupad ng MECQ, prayoridad na bantayan ng mga pulis ay ang quarantine control points kung saan papayagan lamang makalusot ang mga indibidwal na kabilang sa Authorized Persons Outside Residence (APOR).