Mga lalabas nang naka-face mask pero hindi tama o maayos ang pagkakasuot, huhulihin din, ayon sa DILG

Huhulihin din ng mga awtoridad ang mga naka-face mask pero hindi nakasuot nang tama.

Ito ang nilinaw ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kasunod ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin at ikulong ang mga lalabas nang hindi naka-face mask.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mahalagang tama ang pagkakasuot ng face mask para makasigurong hindi makakahawa ang isang tao lalo na kung mayroon itong kasama.


“Nasa baba niya, nasa noo niya ay wala rin ‘yun. Kasama ‘yun sa huhulihin. Kasi nasa public place ka e. Basta may kasama kang ibang tao dapat naka-mask ka kasi hindi mo alam kung may virus siya o wala,” ani Año.

Aminado naman si Joint Task Force COVID Shield Commander Lt. Gen. Guillermo Eleazar na malaking problema ang mga gagamiting detention facility para sa mga mahuhuling hindi naka-face mask.

Gayunman, inatasan na niya ang mga police station na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) sa pagtatalaga ng mga temporary holding area.

“Talagang isang problema natin yung ating detention facility. Kaya nga ito pong ating iba’t ibang mga police station, binigyan natin ng direktiba na mag-coordinate sa kanilang mga LGU para don sa mga temporary holding area,” saad ni Eleazar.

Hinimok naman ni Año ang publiko na i-report agad sakaling makakita sila ng taong may sintomas ng COVID-19 para agad na maalagaan at hindi na makapanghawa.

“Isa lang talaga yung pasaway d’yan, hawa-hawa na. Kaya nga dapat yung mga kababayan natin, maging sensitibo ‘no? I-report din natin yung mga nakikita natin na maaaring may tama na, nagtatago, nahihiya. At yung mga meron namang symptoms, ‘wag kayong mahiya, ‘wag kayong matakot. Mag-step forward kayo, aalagaan naming kayo,” ani Año.

Facebook Comments