Limitadong volunteer lang ang palalahukin ng Pilipinas sa selebrasyon ng International Coastal Cleanup Day na isang global na kampanya para protektahan ang mga karagatan at mga taong nakatira sa baybayin nito.
Ito’y dahil sa pinaiiral na pag-iingat laban sa COVID-19.
Sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na hindi katulad ng mga nakaraang taong selebrasyon, hindi na magkakaroon ng malakihang pagtitipon sa mga tradisyunal na lugar sa mga baybayin at mga estero sa buong bansa.
Magkakaroon na lang ng cleanup activity sa baybayin ng Manila Bay sa Roxas Boulevard kung saan ang mga empleyado ng gobyerno na lang ang pinalahok.
Ang mga volunteers ay pinapa-alalahanan na ipatupad ang social distancing.
Pwede namang makiisa ang publiko sa pamamagitan ng paglilinis ng maliit na grupo lamang o kaya ay gawin ito sa tahanan sa pamamagitan ng pag-iwas sa paggamit ng plastic.
Batay sa report ng Ocean Conservancy 2020, ang Pilipinas ang may pinakamaraming volunteer na sumama para sa paglilinis ng karagatan at ilog noong nakaraang taon.