Mga lalahok sa selebrasyon ng Chinese New Year, pinaalalahanang maging maingat laban sa COVID-19

Pinayuhan ni Manila 3rd District Representative Joel Chua ang mga lalahok sa mga aktibidad kaugnay sa pagdiriwang ng Chinese New Year na maging maingat pa rin laban sa COVID-19.

Ayon kay Chua, katulad ng Pista ng Hesus Nazareno ay inaasahang mas magiging masigla ang selebrasyon ngayon ng Chinese New Year kumpara noong mga nakaraang taong 2020 hanggang 2022.

Giit ni Chua, dapat pa ring maging maingat ang lahat dahil patuloy pa rin ang pagkalat ng COVID-19 tulad ng Omicron variant.


Binigyang-diin pa ni Chua na hanggang ngayon ay milyon-milyong mga Pilipino ang hindi pa rin nakakapagpabakuna, at higit na marami ang wala pang booster shots.

Dahil dito, sa tingin ni Chua ay mas mainam na ipagdiwang na lang ang Chinese New Year sa loob ng ating mga tahanan, at higit ding epektibo kung ipagpapatuloy ang pagsusuot ng face mask lalo na sa mga hindi pa bakunado.

Facebook Comments