Mga lalawigan at bayan na binagyo at binaha, pinapabigyan ng dagdag na pondo

Hihingin ni Senator Panfilo Ping Lacson sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang listahan ng mga lalawigan at bayan na sinalanta ng mga bagyo at matinding pagbaha para mabigyan ng dagdag na pondo sa 2021 national budget.

Ayon kay Lacson, dapat bigyan ng prayoridad ang mga lokal na pamahalaan na na-triple whammy o na-quadruple bypass dahil sa COVID-19 pandemic at mga Bagyong Rolly, Siony, at Ulysses tulad ng mga lalawigan ng Bicol, Marinduque, Cagayan at Isabela.

Paliwanag pa ni Lacson, hindi sapat ang Internal Revenue Allotment o IRA ng LGU dahil basehan nito ay ang kita at land area kaya naman kawawa pa ang may kakaunting IRA.


Nakikita ni Lacson na maaaring mapagkunan ng dagdag na pondo para sa mga nasalanta ang budget sa ilalim ng assistance to LGUs at paulit-ulit na inilaang salapi para sa mga kalsada at multi-purpose building.

Iginiit naman ni Sen. Grace Poe, dapat maglaan ng sapat na pondo sa taunang pambansang badyet para sa disaster mitigation, pagbangon at rehabilitasyon sa gitna ng pagiging lantad ng bansa sa natural na kalamidad.

Bunsod nito ay inihain ni Poe ang panukalang paglikha ng Disaster Risk Reduction department na maglalaan ng 3% ng regular na kita ng pamahalaan para sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at hindi ito pwede bawasan o i-realign.

Panawagan naman ni Senator Francis Pangilinan sa Department of Budget and Management (DBM), ibalik ang kinaltas na P70 million sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) dahil makakaapekto ito sa kanilang mga research project kaugnay sa mga bagyo at pagbaha.

Isinulong naman ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na maitaas sa P27.25-billion ang National Disaster Risk Reduction and Management fund para sa 2021 na pinaglaanan lang ng P20 billion.

Facebook Comments