Nagbaba ng direktiba si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na siya ring chaiperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa local chief executives na magpatupad ng forced evacuation.
Ito’y sa mga lugar na mahirap abutin ng tulong lalo na sa mga malalayo at liblib na mga lalawigan.
Ayon kay Sec. Teodoro dapat ay maging maagap ang mga Local Governement Unit (LGU) sa pagsasagawa ng preemptive evacuation para maiwasan ang pagkalagas ng buhay.
Sinabi rin ni Teodoro na dapat ay magtatag ang mga LGU ng centralized points na pwedeng paghatiran ng tulong at pagbagsakan ng relief items.
Nais din ng kalihim na magkaroon ng camp management sa pagtama ng Bagyong Marce.
Samantala, inalerto na rin ni Teodoro ang mga regional director ng Office of Civil Defense at inatasan nya ang mga ito na tulungan ang mga barangay sa pagbababa ng impormasyon sa publiko kaugnay sa pagtama ng bagyo.