Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na ang mga lamok na may dalang Japanese Encephalitis (JE) ay karaniwang matatagpuan sa mga palayan, babuyan at bukid at ang kinakagat ng mga ito ay mga hayop partikular ang baboy.
Ito ayon kay Health Assistant Secretary Eric Tayag, ang dahilan kung bakit mas tinututukan nila ang mga lugar sa Region I, III, VII, XI at Cordillera Administrative Region, dahil sa mga lugar na ito mayroong mga palayan.
Aniya, hinahanap ng mga lamok ang maduduming tubig at hayop mula sa mga palayan, kaya’t maliit lamang ang tyansa na makagat ang mga tao.
Ayon kay Tayag, mas dapat pa ring mag-ingat ang publiko sa dengue, dahil ang mga lamok na may dala nito ay partikular na tao ang kinakagat.
Kaya naman wala dapat aniyang ipag-panic ang publiko kaugnay sa JE, lalo na ang mga nakatira sa siyudad.
Importante aniya na tama ang impormasyon nakakarating sa publiko upang hindi magkaroon ng public panic.