Inatasan na ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr., ang PNP Highway Patrol Group na tulungan ang Metropolitan Manila Development Authority at Land Transportation Office na habulin ang mga motoristang lasing matapos ang kaliwa’t kanang party.
Maliban dito, nakahanda rin ayon kay Azurin ang PNP na tumulong sa pagmamando ng trapiko lalo na sa mga matataong lugar tulad ng mga mall, simbahan, bus terminal, paliparan, pantalan, mga pook pasyalan at iba pang dinaragsa ng tao ngayong Christmas season.
Binigyang-diin pa ng PNP chief na ang umiiral na Republic Act 10568 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act kung saan, sinomang mapatutunayang nagmaneho ng lasing o nasa impluwensya ng iligal na droga ay maaaring makulong o pagmultahin ng humigit kumulang kalahating milyong piso (₱500,000) depende sa bigat ng kanilang paglabag.
Ito ang paalala ng PNP upang maiwasan ang malalagim na aksidente sa mga kalsada ngayong panahon ng kapaskuhan kung saan kaliwa’t kanan ang mga Christmas party, reunion at iba pang pagtitipon.