Manila, Philippines -Kanselado na simula ngayong araw ang leave ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) upang maging bahagi ng pagbibigay ng seguridad at kaligtasan ng libo-libong bibiyahe bago mag-Undas sa pamamagitan ng mga sasakyan pandagat.
Ayon kay PCG Spokesman Captain Armand Balilo, ang naturang kautusan ay kasunod ng inilagay na heightened alert status simula ngayon araw ang lahat ng operating units ng Philippine Coast Guard (PCG) kaugnay sa Oplan Undas.
Paliwanag ni Balilo kabilang sa mga pangunahing pier sa bansa na tutukan dahil sa inaasahang dadagsa ang mga pasahero ang sa Port of Manila, Batangas Pier, Mindoro, Caticlan, Matnog Sorsogon at Iloilo.
Pinayuhan ng PCG ang publiko na planuhin ang biyahe para sa Undas dahil sa epekto ng bagyong Quedan at sakaling lumakas ang hangin o maging sobrang sungit ang galaw ng karagatan dahil sa bagyo ay hindi mangingiming isususpinde ang biyahe ng mga sasakyan kung saan mahigpit din ipatupad ng ahensiya ang pagbabawal sa overloading habang ipatutupad ang kampanya laban sa mga kulorom na mga motorbanka.