Dismayado si Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa mga lehitimong POGO o Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) dahil sa hindi tamang pagdedeklara sa kanilang mga binabayarang buwis sa pamahalaan.
Ayon kay Gatchalian, nakitaan ng discrepancies o pagkakaiba sa gross gaming revenues na isinumite ng mga POGO sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Giit ng senador, mas malaki sana ang nakolektang buwis at iba pang fees ng gobyerno mula sa mga POGO kung naging tapat lamang ang mga ito sa transaksyon sa BIR at PAGCOR.
Batay sa kanyang nakalap na datos, mayroong ₱1.9 billion tax leakages dahil sa pagkakaiba sa gross gaming revenue mula sa mga POGO na iniulat ng BIR at PAGCOR para sa mga buwan ng Enero hanggang Agosto ngayong taon.
Nakakapanghinayang aniya na kahit ang mga lehitimong POGO ay nagpabaya sa pagbabayad ng tamang buwis at tila nabalewala ang pagkakaroon ng batas para sa pagbubuwis sa mga POGO.
Batay rin aniya sa mga pag-aaral, lumalabas na hindi talaga napapakinabangan ng husto ng bansa ang mga POGO kaya naman panahon na para mag-develop ng ibang industriya na matatag, mataas ang produksyon at pangmatagalan ang negosyo.
Nanghihinayang din si Gatchalian na ang malaking nawalang kita mula sa POGO operation ay nagamit sana sa healthcare system ng bansa na itinatakda rin sa ilalim ng POGO Tax Law.