Sisimulan na sa Miyerkoles ang pamamahagi ng ayuda sa mga indibidwal at pamilya, na pinaka-apektado ng umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila hanggang Agosto 20.
Sa Press Briefing sa Malakanyang, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na sa Miyerkoles ang napagkasunduang araw ng National Capital Region o NCR mayors upang sabay-sabay na ipamahagi ito.
Samantala, maaari pa rin aniyang magsimula nang mas maaga ang ibang Local Government Units (LGUs) kung nanaisin nila.
Nasa 15 araw ang itinakdang deadline sa mga LGU upang ipamahagi ang ayudang ito. Gayunpaman, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, dahil nasa gitna ng banta ng Delta variant ang bansa, at iniiwasan ng pamahalaan ang pagkakaroon ng mga super spreader events, sang-ayon ang pamahalaan na pahabain ang panahon ng distribusyon.
Sa kasalukuyan, nagpahayag na ang Makati LGU na gagamit sila ng digital cash transfer upang maiwasan ang contact sa kanilang nasasakupan sa pamamahagi ng ayuda.