Mga LGU, hinimok ng DILG na isama ang health safety protocols sa kanilang local disaster plans

Ipinasasama na ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang health safety protocols sa kanilang local disaster plans.

Ito’y sa harap na rin ng pagpasok ng panahon ng tag-ulan at may banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, may inilabas nang mga panuntunan at alituntunin ang ahensiya upang mas mapaghandaan ng Local Government Units (LGU) ang pagharap sa sitwasyon.


Pinaalalahanan ang mga LGU na magpatupad ng mga hakbang na tutugon sa anumang kalamidad o likas na sakuna alinsunod sa Operation Listo manual.

Dapat na aniyang suriin ang kani-kanilang mga Local Disaster Risk Reduction Management plan at i-update ang mga tugon alinsunod sa minimum health standards at infection prevention protocols na itinakda ng Department of Health (DOH).

Tiniyak ng DILG na makikipag-ugnayan ito sa iba pang ahensiya ng pamahalaan upang lahat ng hakbang para sa bagyo at COVID-19 ay nakakasunod sa mga health protocol.

Facebook Comments