Mga LGU, iimbestigahan kung sinusunod ang panuntunan sa paghihiwalay at pagtatapon ng COVID-19 related healthcare wastes

Pinaiimbestigahan na sa Kamara kung nasusunod ng mga Local Government Unit (LGU) ang mga panuntunan ng paghihiwalay at pagtatapon ng COVID-19 related health care wastes.

Sa inihaing House Resolution 2277 ni Parañaque Rep. Joy Tambunting, pinakikilos ang kaukulang komite na silipin kung naipatutupad ba ng mga LGU ang “COVID-19 Waste Management Plan.”

Inaamyendahan din sa resolusyon ang Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act upang magkaroon ng komprehensibong protocol ang mga LGU sa tama at epektibong “segregration and treatment/disposal” ng mga healthcare waste ngayong pandemya.


Iginiit sa resolusyon ang kahalagahan ng management ng healthcare wastes sa panahon ng pandemya, upang maiwasan ang anumang kapabayaan o kapahamakan na magdudulot ng panganib sa publiko o pagkalat pa ng COVID-19.

Tinukoy naman na naging hamon sa health care waste disposal ang nangyaring “surge” o biglang pagtaas ng COVID-19 cases dahil sa Delta variant.

Kulang na kulang kasi ang bansa sa treatment, storage and disposal (TSD) facilities para sa tamang pagtatapon ng mga medical wastes.

Facebook Comments