Inatasan na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Units (LGUs) na maglagay ng bike lanes sa lahat ng kalsada.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, layon nito na suportahan ang mga gustong magbisikleta papasok sa kanilang trabaho dahil sa kakulangan ng pampublikong transportasyon sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Kaugnay nito, sinabihan ng kalihim ang mga local officials na makipag-ugnayan sa mga katabi nilang LGU para makagawa ng Bicycle Road Network.
Dapat din aniyang tiyakin ng mga LGU na walang obstruction sa mga bike lanes upang maiwasan ang anumang aksidente.
Kailangan ding magpasa ng ordinansa ang mga LGU na magpapataw ng multa sa mga lalabag sa paggamit ng bike lanes para matiyak na kapwa susunod sa regulasyon ang mga motorista at siklista.