Mga LGU, kailangan nang tumulong sa national government para mapalakas pa ang produksyon ng pagkain sa bansa, ayon sa DOF

Kaya na ng mga lokal na pamahalaan na tumulong sa national government para mapalakas ang produksyon ng pagkain sa bansa.

Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na sa gitna na rin ito ng pagsisimula ngayong taon ng pagpapatupad ng kautusan ng Korte Suprema sa Mandanas-Garcia Petition.

Batay sa Mandanas Ruling ng Korte Suprema, ipinag-uutos na taasan ang share ng Internal Revenue Allotment o IRA ng mga Local Government Unit (LGU) mula sa 40% ng lahat ng buwis na nakokolekta ng gobyerno o ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs.


Paliwanang ni Diokno na sa kasalukuyang set up, responsibilidad ng mga lokal na pamahalaan na palawakin ang pagpapasigla sa sektor ng agrikultura sa bansa.

Kaya naman, maaari aniyang magkaroon na ng koordinasyon ang national government at mga lokal na pamahalaan na mas marami nang pera ngayon dahil sa Mandanas Ruling.

Pwede na aniyang magkaroon ng kumpetisyon sa pagitan ng mga LGU para palakasin ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa.

Batay sa report ng Bureau of Local Government Finance sa nagdaang administrasyon, tumaas ang kabuuang kita ng mga LGU ng 19.4% sa unang quarter nitong 2022 katumbas ng P319.42 bilyong, kumpara sa P267.55 bilyong noong 2021 sa parehong panahon.

Naging malaki ang kontribusyon umano sa pagtaas ng kita ng LGUs ay dahil sa pagpapatupad ng Mandanas Ruling ng Korte Suprema.

Facebook Comments