Hinikayat ng OCTA Research Group ang ilang Local Government Unit (LGU) sa Metro Manila na na-identify bilang “high risk” sa COVID-19 na palakasin pa ang kanilang testing, tracing at isolation.
Ito ay matapos muling tumaas ang COVID-19 cases sa National Capital Region (NCR) partikular sa Quezon City, Makati, San Juan, Marikina, Malabon, Taguig, Navotas, Valenzuela at Caloocan.
Ayon sa grupo, dapat ding gawing mas agresibo ang mga localized lockdown at higpitan ang border control sa pagitan ng mga lungsod.
Paliwanag naman ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na ang reproduction number ng NCR ay tumaas sa 1.15 mula 1.05 noong Disyembre 14 hanggang 20 habang lumagpas na rin sa 1 ang reproduction number sa buong bansa.
Ibig sabihin, ang isang taong may sakit ay puwedeng makapanghawa ng isa pang tao.
Nilinaw ni Testing Czar Vince Dizon na hindi pa niya matiyak kung magpapatupad ng panibagong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa bansa.
Kasabay nito, nagpaalala ang Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 na huwag magpakakampante laban sa COVID-19 ngayong Pasko.