Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Epimaco Densing, ang publiko na isumbong sa kanila sakaling meron paring mga lugar ang nakakakitaan ng campaign paraphernalia.
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Densing na ito ay sa kabila ng pagtatapos ng deadline na ibinigay ng ahensya sa mga Local Government Unit (LGU) para linisin ang mga nagkalat na campaign materials sa kanilang mga nasasakupan.
Base sa kanyang pag-iikot sa Metro Manila, karamihan sa mga lugar na kanilang napuntahan ay wala ng campaign materials.
Kasunod nito, hinikayat ni Densing ang publiko na ipagbigay alam sa kanila sakali mang may makita paring mga campaign paraphernalia.
Posible kasing nasa looban ng mga eskenita ang mga ito kaya’t hindi agad nalinis.
Paliwanag pa ni Densing ang mga lokal na pamahalaan na hindi pa rin ganap na nakapaglinis ng mga campaign materials sa kanilang mga lugar ay padadalhan ng notice para pagpaliwanagin.
Sakali namang nasa pribadong establishemento o bahay ang mga campaign paraphernalia pakikiusapan nila ang may-ari na tanggalin na ito dahil tapos naman na ang panahon ng kampanya.